Sunday, November 28, 2010

Kalikasa’y Nananaghoy



Isinulat ni: JUANINO, JAN JASTINE.

 Sa tuwing takip silim
Ang kapaligira’y kulimlim
Naghahasik ng malamlam na liwanag
Sa mga pusong nababagabag


Nagsisipaghayo ang mga damdamin
Kahalina sa ginintuang mithiin
Kasalukuya’y naghahari ang karimlan
Sariwang pag-asa ang dala sa kinabukasan


Pag-asang maibalik ang bighani ng kalikasan
Na inaasam-asam ninuman
O, kayganda ng kahapon
Kaygandang pagmasdan ng paligid saan ka man naroon


Nang imulat ko ang aking mga mata sa kasalukuyan
Ano itong aking nakikita sa buong kapaligiran?
Damdamin ko’y yumabong sa panghihinayang
Ni hindi makapaniwala sa aking nasilayan


Tuluyang nagbago ang kinagigiliwan kong tanawin
Bagamat ang paglubog ng araw ay nagbago rin
Kasabay ng paglipas ng oras
Wari’y ang kagandahan ng kalikasa’y kumupas


Ang dating sariwang simoy ng hangi’y
Napalitan ng nakakasulasok na amoy ng basura
Tubig-dagat na dati’y kulay asul
Ngayo’y kulay itim na


Kabundukang puspos sa punongkahoy
Nakalbong tuluyan sa pagtotroso
Likas-yama’y inaabuso ng lubos
Ngayo’y unti-unti ng nauubos


Sa pagdaan ng panahon
Bighani ng kalikasa’y naglaon
Napakabilis ng mga pangyayari
Bagkus ay nakapagdulot pa ng pighati


Habang naririmarim sa kinasadlakan ng kalikasan
Naulinigan ko ang ungol, taghoy ng isang nahihirapan
Sambit niya’y , ‘‘Tulong! Tulong! Tulungan mo kami...”
Nababalutan ng hinagpis ang mahiwagang tinig


Luminga-linga ako sa paligid
Kung saan-saang dako ko hinanap
‘Di ko mahanap kung saan nanggaling ang tinig na iyon
Buong sipag ko pa ring tinanto, subalit wala


Humahampas sa aking paanan ang alon ng dagat
Ang natataning aliw-iw ay nagbibigay ng hudyat
Hindi ako nahihibang o nananaginip lang
Sapagkat panaghoy ang lahat ng aking napapakinggan


Kalikasa’y hunihingi ng tulong:
“Usigin mo ang pumapatay sa amin,” wika ng tinig
Nagugulumihanan ang isipan at napatanong
Sino ang pumapatay sa inyo? Sino ang may kagagawan ng pinsalang ito?



Ikaw na naglalagak ng basura sa aming dalampasigan
Kayong naghahagis ng lason sa isda’t yamang-dagat
Kalapastangan ang inyong ginawa
Mga walang awa!!!


Labis ang pagdadalamhati ng Inang Kalikasan
Hinggil sa pinsalang nakamtan
Poot ang nananalaytay sa ugat ng mga punongkahoy
Damdami’y namumutawi habang wagas ang pananaghoy

No comments:

Post a Comment