Monday, November 29, 2010

Tanglaw Ng Pag-Ibig


Just A Simple Love Story

Dapit-hapon na.
Humihimlay ang araw sa kanyang ginituang kanlungan.
Kaylamig ng simoy ng hangin na humahampas sa mga dahon ng punongkahoy kasabay ang pag-alon ng karagatan. Kaygandang pagmasdan ng nakakabighaning tanawin. Kahit sino ma’y mamamangha sa kanyang masisilayan. Sayang, hindi lahat ng nilalang ay nabigyan ng pagkakataong masilayan ang kagandahan ng kapaligiran . . . .


Habang lumalamig ang panahon, nararamdaman ko ang paghampas ng alon sa aking paanan.Ang pagtinag ng mga dahon at ang huni ng ibong nakasaklaw sa punongkahoy ay aking naririnig.
Ngunit ang hangi’y ‘di ko mahinuha kung saan patungo.
Kung maaari ko lang baguhin ang aking kapalaran, masisilayan ko ngayon ang lahat ng nakapaligid sa akin. Wala akong ginawa kundi makiramdam at makinig lamang upang matukoy kung ano ang nangyayari sa aking paligid. Ito’y aking nakagawian nang tanggalan ako ng kakayahang masilayan ang mundong aking kinalakihan.

“Bakit ganito kasaklap ang  tadhana’t kapalaran?” ang sambit ng mapusyaw kong damdamin.


Nagugunita ko pa ang mga panahong nakakakita pa ako. Noo’y nasisilayan ko pa ang tanawing ito na aking binibisita noong ako’y bata pa. Kaydaming magagandang alaala ang napakaloob dito, sa tabing-dagat at hanggang ngayo’y sariwa pa sa aking isipan.


Kailanma’y ‘di ko malilimutan ang lalaking nagbigay-kulay sa aking buhay.
Mula pagkabata, lagi na kaming magkasama. Nang kami’y mga musmos pa, kinagigiliwan na naming mamasyal sa tabing-dagat pagkagaling sa eskwela. Inaalis namin ang aming mga sapatos at naghahabulan habang nakapaa. Kung kami nama’y pagod na, pinapalipad namin ang aming mga saranggola, nagkukumpuni ng mga kabibe o ‘di naman kaya’y pinagmamasdan ang paglubog ng araw.


Kaybilis ng paglipas ng panahon.
Ni hindi namin namalayang dalaga’t binata ng pala kami.
Walang nagbago sa aming pagsasamahan. Sa halip, lalo pang tumibay ang aming pagkakaibigan. Turing nga namin sa isa’t-isa’y tunay na magkapatid.


Sa tagal ng aming pagsasamahan, kilalang-kilala na namin ang pag-uugali ng isa’t-isa. Kapag mayroon man akong dinadamdam, sinasabi ko ito sa kanya’t humihingi ng payo. Kahit ang aming mga nakahiligan at kakayahan ay naipamahagi na namin. Kung siya’y tumutugtog ng piyano, isinasabay ko naman ang aking tinig sa pagkanta. Nakahiligan din namin ang pagpipinta. Mula pagkabata’y nakahiligan na namin ito hanggang sa kasalukuyan. Kaya’t naisipan naming lumikha ng obra maestra sa tabing-dagat upang kami’y malibang noong bakasyon. Iginuhit naming dalawa ang karagatan.
Nang matapos ang aming pagpipinta, hindi maikukubling gayang-gaya nito ang kinagigiliwan naming tanawin. Isang nakakamanghang obra maestra.


Naalala ko rin kung paano nabuo ang aming lihim na pagtingin 
sa isa’t-isa. Hindi man namin ito sabihin, mahahalata naman ito sa bawat kilos namin. Kapag kami’y magkasama, napapawi ang aming kalungkutan at napupuno ng hindi maipaliwanag na kaligayahan. Nais naming kami’y laging magkasama at huwag nang bumitaw pa.


Dumating ang araw na kailangan na niyang lumuwas patungong Canada upang ipagpatuloy ang pag-aaral sa kolehiyo. Niyaya niya akong pakasal sa kanya nang sa gayo’y hindi na kami magkakalayo. Nais man ng aking kalooba’y hindi maaari. Maraming dahilan kung bakit hindi pa namin kailangang maging ganap na magkasintahan. Kamamatay lamang ni Inang at labis ang hinagpis ni Itay sa kalungkutan. Laging nakatulala’t malayo ang iniisip ni Itay, parang wala na siya sa kanyang sarili.

Sa sitwasyon ni Itay, hindi ko maaaring iwanan at pabayaan lang siya. Pangalawa, salungat sa akin ang mga magulang ng aking iniirog. Magkaiba kasi ang antas amin sa buhay. Kung sila’y tinitingala’t ubod ng yaman, kami nama’y gumagapang sa kahirapan. Nang ipinakilala niya ako sa kanyang ina, hinusgahan niya kaagad ang aking pagkatao na naging sanhi ng pagtatalo ng aking mahal. Ni hindi ko makasundo ang kanyang ina.
Higit sa lahat, hindi pa iyon ang tamang oras para kami’y ikasal.


Pinilit siya ng kanyang mga magulang na lumuwas na sa Canada sa lalong madaling panahon. Naiintindihan ko ang kanyang mga magulang dahil para naman ito sa kinabukasan niya.
Bago siya lumisan, inihabilin niya sa akin ang obra maestrang aming iginuhit at ibinigay a
ng mamamahaling kuwintas na kanyang pinagipunan. Ito’y hugis puso at nakapaloob  dito ang aming larawan. Hindi mahalaga sa akin kung ito’y ginto, kung gaano man ito kakintab o kung ito ma’y nakakabighani kundi sinisimbolo nito ang aming wagas na pagmamahalan para sa isa’t-isa. Nagsisilbi itong alaala tuwing kami’y laging magkasama.
Kaya’t saan man ako magtungo, suot ko ang kuwintas at bitbit ko ang aming obra maestra.  Kapag ako’y nalulumbay, bubuksan ko ang suot kong kuwintas at susulyapin ang larawan naming dalawa. Napakahalaga ng obra maestra’t kuwintas para sa akin. Kahit ngayo’y isa na akong bulag, hindi ko dapat ito maiwala.Nangako din siyang pakakasalan niya ako sa kanyang pagdating. Ihahanda niya muna ang kanyang sarili at tutuparin ang kanyang pangarap na maging isang ganap na doktor.
Maghihintay ako sa araw na ito dahil alam kong hindi niya ako bibiguin.


Nang siya’y tuluyang nawala sa aking piling, tuluyan ding naglaho ang saya sa aking mga ngiti. Ngayon, pasan-pasan ko ang mga suliraning sumubok sa aking katatagan. Huminto ako sa pag-aaral dahil nakapako ako sa pag-aaruga kay Itay . Hindi ako titigil hangga’t  hindi siya bumabalik sa kanyang katinuan. Nagbunga rin ang tiyaga ko kay Itay sapagkat bumalik siya sa kanyang tamang pag-iisip. Akala ko’y tapos na ang aming kalbaryo sa mga problema ngunit nangyari ang hindi inaasahan.


Habang patuloy ako sa pag-aaruga kay Itay, unti-unting lumabo ang aking paningin.Pinagsawalang-bahala ko ito at walang tigil sa pag-aaruga sa kanya.Nang bumangon ako mula sa kama, wala akong makita. Siguro’y gabi na kaya napakadilim ng paligid. Inutusan ko si Itay na buksan ang ilaw. Napakaliwanag daw para buksan pa ang ilaw at aksaya lang daw ito sa kuryente. Doon na ako nagtaka. Noong una, ayaw kong maniwala kay Itay. Baka nagbibiro lang siya. Ngunit, naramdaman ko ang haplos ng init ng araw.Tinanong ni Itay kung nakikita ko raw ang kanyang mga kamay na itinapat niya sa aking mukha.
Ang nakikita ko lamang ay kung gaano kadilim ang paligid..
Hindi ito maaari ! Hindi ito maaaring mangyari sa akin!!! Labis ang pighati ng aking puso.
Tumulo ang luha sa aking mga mata at napaluhod sa pagdadalamhati.
Dahil isa na akong . . . . . bulag.


Matinding pagsubok ang kinakaharap ko ngayon. Hindi ko alam kung hanggang kailan ako tatagal. Nauwi sa bangungot ang aking buhay. Marami pa akong pangarap na gustong abutin. Ngayo’y hanggang pangarap na lamang ang lahat ng ito.Sa sitwasyong ito, hindi ko na masisilayan ang mukha ng aking kababatang si Noel.
Hindi ko na rin matutupad ang pangako ko sa kanya...


Napakasaklap ng tadhana’t kapalaran.
Tuluyan akong nabulag dahil hindi naagapan ang aking karamdaman.
Kasalukuyang naghahanapbuhay si Itay para makaipon ng pankonsulta sa doktor.Pumarito ang ninang upang tulungan si Itay sa pag-aalaga sa akin.


“Claudia !”
Sino ang tumawag sa aking pangalan? Noel?
Bigla akong napalingon ng may kumalabit sa aking likod.
Iyon pala’y si Ninang Salve, hindi si Noel.
Nagtungo na kami papuntang Maynila upang ipakonsulta ang aking mga mata at nagbabakasakaling muling masilayan ang mundong aking ginagalawan.Hindi ko makakalimutang dalhin ang obra maestra’t ang kuwintas na lagi kong suot.Sa Maynila ako ipinakonsulta sa doktor para makasiguradong hindi masayang ang pinag-ipunan
ni Itay.


Ibang-iba ang Maynila sa probinsya.
Sa aking kinalakihan, mas payapa ang pamumuhay ko roon.
Samantalang dito, sa Maynila, hindi ko matukoy kung ano ang nangyayari sa aking paligid.Napakaraming tao , halu-halo ang mga tunog. Nariyan ang bosina ng mga sasakyan, sigawan ng mga rallyista at marami pang iba. Hinigpitan ko ang kapit ko kina Itay at Ninang Salve upang tulungan ako sa paglalakad.


Nakahanap na kami ng matutuluyang tirahan. Masikip ngunit mas tahimik dito kaysa sa labas.Nagpahinga lang ng sandali ang Itay pagkagaling sa aming biyahe. Lumakad na rin kami sa ospital. Nag-iba ang pintig ng aking puso sa loob ng pagamutan. Ibinubulong nito sa akin na may kakaibang mangyayari.Buti na lamang ,kasama ko sina Itay at napanatag ang aking kalooban. Pinapasok na ako ng nars sa loob ng klinik. Napakaraming katanungan ng doktor. Binigyan niya ako ng reseta. Kinakailangan ko raw operahan ngunit hindi hindi namin kakayanin  ang halagang iminumungkahi ng doktor. Pumunta ako sa isang silid kung saan maaaring makapahinga ang pasyente sa kama. Binabalak ni Itay na magpakonsulta ako sa ibang doktor kung saan hindi kalakihan ang aming babayaran. Pinalabas ko kay Ninang ang obra maestra galing sa aking bagahe. Nakatulog kami ng sandali at nagmamdaling umalis.
Dahil sa pagmamadali, naiwanan ko ang pinakamahalagang alaala sa akin ni Noel. . .


Sa silid na pinanggalingan ni Claudia, pumasok ang isang doktor at hinahanap ang pasyenteng inirekomenda sa kanya.
Ngunit pagpasok niya sa silid, wala siyang naabutan. Ang nadatnan niya lang doon ay isang nakakamanghang obra maestra.
Pamilyar ang larawang ito sa kanya.
Sa mga oras na ito, binalikan niya ang kanyang nakalipas.
Hindi siya makapaniwala sa kanyang nakikita.
Hindi...hindi ito maaari...Ang obra maestra!!!



Dali-dali siyang tumakbo papunta sa nars.
Tinanong niya kung sino ang nanggaling sa silid na iyon at tama ang kanyang akala...
“Si Claudia, si Claudia nga!!! Mungkahi ni Noel, na ngayo’y naging doktor na.
Tumalon siya sa sobrang tuwa. Humarurot ang  sasakyan at wari’y nagmamadali.  Ang tumatak lang sa kanyang isipa’y dapat makita na ang aking pinakamamahal, walang iba kundi  si Claudia!!! Pinuntahan niya ang inuupahan nina Claudia. Kumatok sa pinto at ang sumalubong sa kanyang harapan ay ang itay ng kanyang mahal. Una, ibinalik muna niya ang obra maestra at kagaad na hinanap si Claudia.
Nang nakita na niya ang kasintahan, niyakap niya ito sa tuwa.

“Claudia, ako ito, si Noel” sambit ng doktor. “Noel? Ikaw ba’y si Noel?” tanong naman ni Claudia. Nang titigan ni Noel ang mata ng iniirog, doon niya nalamang nabulag na si Claudia.

Doon  niya nalaman kung bakit ‘di sumulpot si Claudia sa kanilang muling pagkikita sa pinag-usapang tagpuan-sa simbahan malapit sa
tabing-dagat.
Dahil, iyon ang araw kung kailan tuluyang nabulag si Claudia. . . . . .
Isinalaysay ng Itay ang nangyari sa akin.
Ikinalungkot naman ni Noel ang nangyari sa kasintahan.
Sa kagustuhan ni Noel na maibalik ang paningin niya, siya ang sumagot sa pambayad nila sa pang-opera.

Pagkadilat ng aking mga mata’y, nakita ko na ang matagal kong hinahanap. Napuno ng ligaya ang aking damdamin. Lumiwanag ang aking paningin at iyon ay dahil sa tanglaw ng kanyang pagmamahal sa akin-tanglaw ng pag-ibig.

Upang makapamuhay ng maayos, ikinasal kami sa tabing-dagat sapagkat  nakapaloob dito ang aming mga alaala.
Gayunpaman, panatag sa loob ng magulang ni Noel na magpakasal kaming dalawa sapagkat nais nila ay ang kaligayahan ng kanilang pinakamamahal na anak.


                                                                                                                                                                                        
Nabuhay kami ng payapa. Nagbunga ang aming pagmamahalan ng dalawang supling.Wagas ang aming pagmamahalan sa hirap man o sa ginhawa.

Dito nagtatapos ang aming kuwento.




No comments:

Post a Comment